Idinepensa ni retired Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon ang pagkikita nila nina Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez, pinsan ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at ang pakikipagkamay sa kanya ni Sandro Marcos kahapon, May 14.
Ayon kay Guanzon na bahagi ng Pamilya, Pasyente, at Persons with Disabilities (P3PWD) Partylist, kailangan daw ng grupo na makipagtrabaho sa ibang mambabatas.
“Nak, wala tayong mapapasang batas and budget para sa mga PWD kung hindi tayo magtatrabaho with them. Hindi pwedeng kontra lang [nang] kontra, suportahan natin ang magagandang programa pero hindi magdadalawang isip na batikusin ang mali. Wala akong utang na loob sa kanila, kayo ang nagluklok sa akin dito,” ani Guanzon sa kanyang tweet.
Kung maalala, si Guanzon ang bumoto para idikskuwalipika si Marcos sa pagtakbo nito sa 2022 presidential race.