KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa nangyaring pamamaril-patay sa isang dating barangay kapitan sa Tacurong City, Sultan Kudarat.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Lt. Col. Joefel Siason, hepe ng Tacurong City PNP, kinilala ang biktima na si Edwin Guiamalon, dating barangay captain ng Brgy. Midpandakan, bayan ng Gen. Salipada K. Pendatun, Maguindanao at residente ng Barangay New Isabela, Tacurong City.
Ayon sa imbestigayon ng PNP, namimili sa isang fruitstand ang biktima nang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek.
Nagtamo ng tama ng bala sa kanyang katawan anng bitkima na naging dahilan ng pagkamatay nito.
Ibinunyag din ni Siason na dati nang naaresto si Guiamalon sa anti-illegal drug operation ng Tacurong PNP at ng Anti-Illegal Drug Special Operation Task Force Group sa New Isabela noong 2016.
Samantala, hindi rin isinasantabi ng PNP na may kaugnayan sa negosyong pautang ng biktima na may 10% na interes ang isa sa mga dahilan sa nasabing krimen.
Sa ngayon, patuloy din na inaalam ng PNP kung ano ang motibo ng mga suspek sa pamamaril sa biktima.