-- Advertisements --

ILOILO CITY – Binalikan ng dating reporter ng Bombo Radyo Philippines ang kanyang karanasan sa paghatid ng 72 oras na walang tigil na coverage sa EDSA People Power Revolution noong Pebrero 22 hanggang 25, 1986.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Ompoy Pastrana, sinabi nito na mula sa flagship station ng Bombo Radyo Philippines sa Mapa Street, Iloilo City, ipinadala siya at dineploy upang magreport sa Camp General Rafael Crame sa Quezon City, Metro Manila at sa MalacaƱang sa Jose Laurel St., San Miguel, Manila, Metro Manila.

Ayon kay Pastrana, pinatawag mismo ni Dr. Rogelio Florete, chairman ng Florete Group of Companies, ang anchormen at reporters kung nais ng mga ito na magpatuloy sa pagbabalita.

Hindi naman nag-atubili si Pastrana at pumunta sa Maynila kung saan kasama siya sa blow-by-blow coverage hanggang sa napalayas ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr sa MalacaƱang noong Pebrero 25, 1986.

Napag-alaman na sa labas ng Metro Manila, ang Bombo Radyo Philippines lamang ang tanging istasyon na naghatid ng walang humpay na pagbabalita kaugnay sa mga kaganapan sa EDSA People Power Revolution.