CAGAYAN DE ORO CITY – Natatawa dahil tila media at publiko lamang daw ang hindi nakakaalam na matagal nang nasa listahan ng narco-police ang itinuring na poster boy ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa anti-illegal drugs campaign nito na si Lt. Col. Jovie Espenido.
Ito’y matapos mapabilang si Espenido sa mahigit 300 police officers na paiimbestigahan ng Camp Crame dahil sa akusasyon na nagsilbing illegal drug protector.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Police Regional Office-10 director B/Gen. Rolando Anduyan na matunog ang pangalan ni Espenido ukol sa nasabing isyu kaya hindi na bago para sa kanila na lumutang na ito sa publiko.
Ito aniya ang dahilan na nagsusumikap ng husto si Espenido sa ipinapatrabaho sa kanya ni Duterte dahil sa malaking isyu laban sa kanya.
Una rito, hindi sinagot at minsan ay sarado ang linya ng telepono ni Espenido nang makailang beses na tinawagan ng Bombo Radyo para kunan ng reaksyon ukol sa usapin.
Kung maaalala, tumanggi si Philippine National Police Chief Director General Archie Gamboa na kumpirmahin kung nasa listahan ni Duterte si Espenido.
Pero si Interior Secretary Eduardo Año ang nagbunyag na totoo ang naglalabasan na mga ulat kaugnay dito.