Itinanggi ng Senate President Francis “Chiz” Escudero na tinulungan niya ang Centerways Construction na makakuha ng kontrata para sa mga proyekto ng gobyerno.
Nasa ikapitong rank ang Centerways Construction sa listahan ng top 15 flood control project contractors na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bagama’t inamin ni Escudero na matagal niya ng kaibigan ang may-ari ng kompanya, nilinaw niyang hindi siya kasosyo sa negosyo.
Inamin naman ni Escudero na binuhusan siya ni Lawrence Lubiano ang presidente ng Centerways Construction ng milyun-milyong pondo noong 2022 elections.
Batay sa opisyal na statement of contributions and expenditures mula sa Commission on Elections, nagbuhos ng 30 million pesos ang naturang kompanya sa pangangampanya ni Escudero.
Ayon pa kay Escudero, ang pag-uugnay sa kanya sa isyu ay isang malisyosong hakbang na bahagi umano ng demolition job laban sa kanya.
Aniya, may ilang grupo na nais siyang mapatalsik sa puwesto upang sa oras na ihain ang impeachment complaint sa Pebrero 2026, wala na siya sa kapangyarihan—at sa gayon ay maisakatuparan ang plano ng mga pabor sa impeachment.