-- Advertisements --

Ikinababahala ni Labor Sec. Silvestre Bello III ang pagtigil ng Philippine Red Cross (PRC) sa kanilang ginagawang swab test lalo sa mga umuuwing overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa hindi pa nababayarang utang PhilHealth na umaabot sa P930 million.

Sinabi ni Sec. Bello, umaabot na sa mahigit 4,000 OFWs na dumating sa bansa kamakailan ang stranded sa mga hotels dahil hindi pa naisailalim sa swab o RT-PCR test.

Ayon kay Sec. Bello, kung dati ay nakaka-test sila ng mula 1,000 hanggang 3,000 OFWs kada araw sa pamamagitan ng Red Cross, ngayon ay umaabot na lamang sa 300.

Inihayag pa ni Sec. Bello na kapag mas matagal ang pananatili ng mga OFWs sa Metro Manila, mas malaking pondo ang nagagastos ng gobyerno at matinding perwisyo rin ito sa mga OFWs na gusto ng makasama ang kanilang mahal sa buhay sa mga lalawigan.

Umaasa si Sec. Bello na sana ay maayos agad ang gusot ng PhilHealth at Red Cross lalo mahigit 100,000 OFWs pa ang inaasahang uuwi ngayong taon.

Ikinababahala umano nila na maipon na naman ang mga OFWs sa Metro Manila at maantala rin ang pag-uwi ng iba pang stranded OFWs sa ibang bansa kung hindi maayos ang utang ng PhilHealth sa Red Cross.