-- Advertisements --

Nakatakdang balikan ng Korte Suprema ang maselang usapin hinggil sa pagkilala ng Pilipinas sa foreign divorce, sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng oral arguments sa darating na Martes, Abril 28, dakong alas-2:00 ng hapon.

Nakasentro ang talakayan sa isang partikular na kaso ng mag-asawang Pilipino na nagpakasal sa Pilipinas, ngunit kinalaunan ay sumailalim at iginawad ang divorce sa Estados Unidos.

Titingnan ng mga mahistrado kung paano aakma ang naturang hakbang sa umiiral na Family Code ng Pilipinas.

Inaasahang magiging landmark case ang magiging desisyon ng Korte Suprema rito.

Ang anumang magiging hatol ng mga mahistrado ay magtatakda ng panibagong pamantayan at magkakaroon ng malawakang epekto sa pananaw at pagtrato ng sistemang legal ng Pilipinas sa mga foreign divorce na nakukuha ng mga Pilipino sa ibang bansa.

Sa kasalukuyan, kinikilala lamang ang foreign divorce sa bansa kung ang isang Pilipino ay kasal sa isang dayuhan na nakakuha ng diborsyo sa ibang bansa, na nagbibigay rin ng kapasidad sa Pilipinong asawa na muling magpakasal.

Matatandaang unang dinitermina at isinalang sa oral arguments ng kataas-taasang hukuman ang nasabing kaso noong buwan ng Agosto ng nakaraang taon.

Ang pagdinig sa Martes ay inaasahang hihimay sa mga natitira pang legal na isyu bago tuluyang isumite ang kaso para sa pinal na desisyon.