BACOLOD CITY – Hustisya ang panawagan ng pamilya ng electric tricycle driver sa lungsod ng Bacolod na pinatay ng mga suspek na sakay sa isang sports utility vehicle kagabi.

Ang biktimang si Johnny Lizo, 29, residente ng Purok Katilingban, Brgy 40, Bacolod City ay pinagbabaril sa Mabini Street, Barangay 30.

-- Advertisement --

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Elmer Bonilla, station commander ng Police Station 6, bumili ng softdrinks ang biktima at nang pabalik na ito ay may sasakyan na huminto sa kanyang tabi, may bumaba na lalaki at bigla itong pinagbabaril.

Dahil sa maraming tama sa katawan, kaagad na namatay si Lizo.

Ayon sa mga residente sa lugar, anim na putok ang kanilang narinig.

Kaagad namang tumakas ang mga suspek papuntang hilagang bahagi ng Bacolod.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa motibo sa krimen.

Ayon sa rekord ng Police Station 6, ang biktima ay nakulong noon dahil sa kasong robbery.

Hustisya naman ang panawagan ng pamilya Lizo sa nangyari sa biktima.

Ayon sa ina ni Johnny, sumuko noon sa Oplan Tokhang ang kanyang anak ngunit nagbago na ito at mayroon ng sariling pamilya.