-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nagpahayag ng pagkadismaya ang election watchdog na Kontra Daya sa hindi na naman pagsipot ni Presidential aspirant at dating Senador Bongbong Marcos sa presidential forum na isasagawa ngayong araw sa pangunguna ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Prof. Danny Arao ang Convenor ng Kontra Daya, tinawag nitong pambabastos na sa KBP at sa mga botanteng Pilipino ang biglaan na pag-atras ni Marcos isang araw bago isagawa ang aktibidad.

Nakakadismaya umano lalo pa at maraming mga Pilipino ang naghihintay sana sa magiging kasagotan ng dating Senador patungkol sa mga isyung kinakaharap nito.

Binigyang diin din ni Arao na nagpapakita lamang ito ng magiging pag-uugali at pagtrato ni Marcos sa iba sakaling ito na ang maluklok sa pwesto.

Sa kabila nito, payo ng election watchdog sa mga Pilipino na abangan ang nasabing forum na malaki ang maitutulong upang makapagdesisyon kung sino ang iboboto.