-- Advertisements --

Nag-umpisa na ngayong araw ang election period sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Kasabay nito, agad na ipinatupad ang gun ban at checkpoints sa lahat ng 105 munisipalidad at tatlong lungsod na sakop ng rehiyon.

Layon ng hakbang na ito na matiyak ang kapayapaan at kaayusan habang naghahanda ang rehiyon para sa makasaysayang kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections na nakatakdang ganapin sa darating na Setyembre 14, 2026.

Ang parliamentary elections sa BARMM ay itinuturing na isang mahalagang yugto sa kasaysayan ng rehiyon, dahil ito ang unang pagkakataon na pipiliin ng mamamayan ang mga kinatawan sa bagong sistemang pamahalaan.

Inaasahan ng mga awtoridad na ang mahigpit na pagpapatupad ng gun ban at checkpoints ay makatutulong upang maiwasan ang anumang karahasan at mapanatili ang kaayusan sa buong panahon ng kampanya at halalan.

Patuloy namang nananawagan ang Commission on Elections (COMELEC) at mga lokal na opisyal sa mga residente ng BARMM na makiisa sa mga ipinatutupad na panuntunan upang maging maayos, mapayapa, at matagumpay ang nalalapit na halalan.

Maging ang mga election watchdogs ay abala na rin sa kanilang monitorings.