-- Advertisements --

Inaprubahan na ng House Committee on Constitutional Amendments ang Resolution of Both Houses No. 2, na nagpapanukala ng mga amiyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.

Sa naganap na botohan 62 ang pumabor, tatlo ang tumuto, at tatlo rin ang nag-abstain sa resolusyon na inihain mismo ni Speaker Lord Allan Velasco sa pagbubukas ng 18th Congress noong 2019.

Ang Charter change resolution na ito ay inaprubahan ng komite kasabay ng ika-34 anibersaryo nang ratipikasyon ng 1987 Constitution.

Pero bago ito inaprubahan, nagkasundo ang mga miyembro ng komite na huwag isama sa itinutulak na amiyena patungkol sa pagmamay-ari ng lupa ng mga dayuhan ang Section 7 Article 12 ng National Economy and Patrimony.

Nangangahulugan lamang ito na mananatili ang restrictions sa foreign ownerships sa lupa ng Pilipinas.

Gayunman, mananatili pa rin ang pagsingit ng mga katagang “unless otherwise provided by law” sa mga restrictive economic provisions ng Saligang Batas partikular sa Articles 12, 14 at 16.

Pagkatapos na pagbotohan ang Resolution of Both Houses No. 2, inaprubahan na rin ang committee report ng economic Charter change.

Iaaykat na ito sa committee on rules para naman maikalendaryo at masimulang talakayin sa plenaryo ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Base sa itinatakda ng Saligang Batas, kailangan ang 3/4 votes mula sa mga mambabatas, sa Kamara at Senado, upang sa gayon mapagtibay ang pag-amiyenda sa Charter.