Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na nananatiling matatag ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa bansa sa kabila ng mga isyung may kinalaman sa korupsyon.
Ayon kay Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go, wala pang naitalang kanseladong investment pledges o aktwal na pag-alis ng mga negosyo sa bansa.
Patuloy pa nga anyang dumarating ang mga bagong interesadong mamuhunan.
Kabilang sa mga inaasahang proyekto ang higit isang bilyong dolyar na pamumuhunan mula sa isang Korean company, na una nang inaprubahan ng Fiscal Incentives Review Board at kasalukuyang isusumite sa Office of the President bilang unang benepisyaryo ng CREATE MORE Act.
Nilinaw din ni Go na walang kompanyang umatras o nag-pull-out ng kanilang operasyon sa gitna corruption scandal.
Nanatili rin umanong matatag ang kumpyansa ng business community sa kabila ng negatibong balita at mga isyung lumalabas sa social media.
Naniniwala ang Palasyo na muling lalakas ang kumpyansa sa merkado sa oras na maisagawa ang mga reporma at hakbang na ipinatutupad ng administrasyon upang tugunan ang mga natuklasang iregularidad.
Ipinahayag din ni Go na positibo ang pagtanggap ng business sector sa inisyatiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isiwalat ang mga anomalya at isulong ang mas mahigpit na laban kontra korupsyon.