Mariing itinanggi ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na may “double standard” ang House Committee on Justice sa paghawak ng mga impeachment complaint.
Ayon kay Luistro, parehong pamantayan ang ginamit nila sa reklamo laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, ngunit ang malaking pagkakaiba ay ang pagkakaroon ng matibay na ebidensya ng “personal participation” sa panig ng Bise Presidente.
Ipinaliwanag ni Luistro na sa kaso ng Pangulo, nabigo ang mga nagrereklamo na patunayan ang kanyang direktang kinalaman sa alegasyon ng korapsyon sa implementasyon ng budget.
Aniya, ang pagpirma ng Pangulo sa General Appropriations Act (GAA) ay bahagi ng kanyang tungkulin at hindi maituturing na patunay ng katiwalian.
Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Luistro ang “direct evidence” laban kay Duterte, partikular na ang video kung saan narinig ang Bise Presidente na nagbabanta laban sa buhay ng Pangulo, ng First Lady, at ng dating Speaker.
Ginamit ni Luistro ang legal na prinsipyo na res ipsa loquitur (ang bagay mismo ang nagsasalita) para sa banta ng Bise Presidente.
Aniya, sapat na ang video na napanood ng buong mundo para ipakita ang kanyang personal na pakikilahok sa mga akusasyon, na nagpapatunay na may malinaw na batayan ang reklamo laban sa kanya kumpara sa ibinasurang kaso ng Pangulo.
















