Kinumpirma ng Malacañang na papangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tinaguriang “ninja cops” partikular ang mga pinangalanan ni dating CIDG chief at ngayon ay Baguio City mayor Benjamin Magalong.
“Ninja cops” ang tawag sa mga pulis na nagre-recycle ng mga nakukumpiskang iligal na droga para ibenta rin sa mga pusher.
Una ng inihayag ni Sen. Bong Go na tutukuyin ni Pangulong Duterte ang mga “ninja cops” matapos ang mapag-aralan at ma-validate ang transcript ng executive session ng Senado kasama si Magalong.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ilang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang magsasagawa ng re-validation para matiyak ang pagkakasangkot nila sa iligal na droga.
Ayon kay Sec. Panelo, walang sasantuhin si Pangulong Duterte kahit si PNP Chief Oscar Albayalde kung mapapatunayang dawit ito sa mga “ninja cops.”
Sa isang panayam ngayong hapon, inihayag naman ni DILG Sec. Eduardo Año na naniniwala siya sa integridad ni Gen. Albayalde sa gitna ng pagkakadawit ng kanyang pangalan sa isyu ng “ninja cops.”
Sinabi ni Año na hindi naman kasama sa nakasuhan si Albayalde sa nangyaring drug raid noong 2014 sa Pampanga kung saan ilang nakumpiskang iligal na droga ang nawawala.
Nasibak lamang umano noon si Albayalde bilang provincial director ng Pampanga dahil sa command responsibility habang ang mga tauhang sangkot sa raid ang nakasuhan at tuluyang natanggal sa pwesto.
Kaya naniniwala si Año na ang nasabing insidente ang ugat ng pagkakabanggit ng pangalan ni Albayalde sa isyu ng mga “ninja cops.”