Dinapuan ng stage four prostate cancer ang girtarista ng British New Romantic Group na Duran-Duran na si Andy Taylor.
Inanunsiyo ito ng grupo ng sila ay tanghalin sa Rock & Roll Hall of Fame sa Los Angeles.
Hindi na kasi sumama si Taylor sa ka-banda nito na sina John Taylor, Simon Le Bon, Roger Taylor at Nick Rhodes sa okasyon dahil ito ay nagpapagamot.
Nagpadala na lamang ito ng sulat at doon binasa ng kanilang frontman na si Le Bon kung saan sinabi nito na apat na taon na siyang nagpapagamot dahil sa sakit.
Dagdag pa ng 61-anyos na si Taylor na nalulungkot siya dahil sa hindi nakasama ito sa okasyon kung saan ito sana ang muling pagsama sa grupo matapos ang 16 na taon kung saan bumili pa siya ng bagong gitara para dito.
Nakasama sa grupo si Taylor noong Abril 1980 at umalis noong 1986 para mag-solo ang career.
Muling sumali ito noong 2001 para sa ilang serye ng concerts at noong 2004 ay inilabas nila ang album na “Astronaut” bago muling umalis noong 2006.