-- Advertisements --

Nananatiling buo ang suporta ng mga kawani ng Department of Health (DOH) kay Sec. Francisco Duque sa gitna ng mga akusasyong ibinabato sa kanya ng ilang kritiko, pati na ang mga panawagang magbitiw siya sa pwesto.

Ito ang sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire matapos ding sabihin ng Office of the Ombudsman na iimbestigahan ang mga sinasabing anomalya sa responde ng kagawaran sa COVID-19 pandemic.

Nitong Huwebes nang imungkahi ni Sen. Sherwin Gatchalian na magbakasyon muna sa trabaho ang kalihim habang lumalakad ang pagsisiyasat ng anti-graft body.

“To make the investigation impartial, I think the best and most appropriate thing [for Duque] to do is to take a leave of absence at the very least,” ayon sa mambabatas.

Pero tugon ng Health department, walang rason para suportahan nila ang mungkahi ng senador para magpahinga ng panandalian ang kalihim.

“Hindi pa natin nakikita yung pangangailangan para mag-leave si Sec. Duque para dito sa sinasabing imbestigasyon na gagawin ng Ombudsman,” ani Vergeire sa isang online media forum.

“(Pati) yung hiling na siya (Duque) ay magbitaw dahil kaya naman ng undersecretaries. Sana maintindihan ng mga tao, kaya nakakayanan ng mga undersecretaries ang aming trabaho dahil mayroon kaming leader na katulad ni Sec. Duque.”

“Kahit nakaupo lang siya diyan, pero kung siya ay nirerespeto at siya ay nakakapagbigay ng kompiyansa para sa mga tauhan niya, sa tingin ko, kaya gumagaling yung mga tao sa ilalim niya.”

Una nang sinabi ng DOH na handa silang magpasailalim sa pagsisiyasat ng Ombudsman, at buo ang suporta ng ahensya sa kanilang kalihim.

Nagsisimula na rin daw maghanda ang buong kagawaran sa imbestigasyon ng anti-graft body.