-- Advertisements --

Unti-unti ng nagsidatingan ang mga dumadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa Manila North Cemetery, isang araw bago ang paggunita ng Araw ng mga Patay.

Pero maitututing pa ring matumal ang pagdating ng mga dumadalaw kung saan maraming mga puntod ang wala pang bumibisita.

Tinatayang umaabot sa dalawang milyong katao ang nagpupunta sa Manila North Cemetery kada Araw ng mga Patay.

Sa ngayon, mahigpit na ang seguridad na ipinatutupad sa Manila North Cemetery kung saan magkahiwalay ang pasukan para sa mga babae at lalake na may police personnel na nagsasagawa ng inspeksyon sa mga lahat ng mga papasok.

Mahigpit na ipinagbabawal at kinumpiska ang lahat ng matutulis na bagay, mga inuming nakakalasing, sigarilyo at lighter.

Kabilang sa mga prominenteng kataong nakalibing sa Manila North Cemetery sina dating Pangulong Sergio Osmeña, Ramon Magsaysay, Manuel Roxas, dating Sen. Claro M. Recto at action king na si Fernando Poe Jr.