Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na kanilang babantayan ang pagsunod sa protocols ng ilang industriya na maituturing na crucial dahil sa close contact sa mga costumer ng mga ito sa pagpasok sa general community quarantine (GCQ).

Kabilang na rito ang mga salon, barber shop, mga kainan na may dine-in service, gym, hotels at mga kahalintulad nito.

Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, kailangang maipatupad ng mga establishimento ang 50 percent capacity lamang, physical distancing, pagsusuot ng mask at iba pang protective gear.

Ganito rin sa mga simbahan, mosque at iba pang gusali na pinagtitipunan.

Bagama’t ginagawa na ang mga kahalintulad na hakbang sa mga lalawigan, inaasahang iba ang magiging sitwasyon sa Metro Manila dahil sa dami ng tao na gustong kumuha ng iba’t-ibang serbisyo at produkto, na maaaring magbunsod ng siksikan.

“As a general guideline, the movement of people would still be for an essential purpose,” wika ni Lopez.

Ang mass transportation naman ay ipauubaya sa transportation department at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).