-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy nilang babantayan ang kalagayan ng Mt. Bulusan evacuees na bumalik na sa kanilang mga tahanan upang mamuhay muli nang normal matapos ang pagputok ng bulkan. 

Sinabi ni Assistant Secretary Irene Dumlao ng DSWD Disaster Response Management Group (DRMG) na isinara na ang limang evacuation center. 

Mula nang pumutok ang Mt. Bulusan noong Abril 28, nakapagbigay na ang DSWD ng humigit-kumulang P22 milyon humanitarian aid sa mga apektadong pamilya, partikular sa lalawigan ng Sorsogon.

Kabilang sa ibinigay na tulong ay mga family food packs (FFPs), mainit na pagkain, maiinom na tubig, at iba pang non-food essentials gaya ng kitchen at hygiene kits, at mga water filtration units.

Sinabi pa ni Dumlao na handang maglabas ng karagdagang tulong ang DSWD kung kakailanganin, dahil may nakahandang higit P3 milyon sa stand-by funds ang DSWD Region 5, bukod pa sa FFPs at mga non-food items na nagkakahalaga ng higit P205 milyon.

Nauna nang sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na maaaring magbigay ng pinansyal na ayuda ang ahensya upang tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga naapektuhang pamilya, gaya ng pagbili ng gamot at iba pang pangangailangang medikal na wala sa food pack box.

Kung kinakailangan, maaari ring tulungan ng DSWD ang mga apektado sa pagsasaayos ng kanilang nasirang bahay o sa pagsisimula ng kabuhayan.