-- Advertisements --

Patuloy na naka-red alert ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kahit nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Crising, dahil naman ito sa tuloy-tuloy na malakas na ulan na dala naman ng habagat.

Ayon kay Asst. Secretary Irene Dumlao ng DSWD Disaster Response Management Group (DRMG), nakaantabay 24/7 ang kanilang tanggapan at mga Field Offices upang masubaybayan ang kalagayan ng mga apektadong lugar.

Dagdag pa ni Dumlao na umabot na sa mahigit 45M ang halaga ng tulong, kabilang ang pagkain at non-food items, na naipamahagi sa mga bayan na sinalanta ng Bagyong Crising at habagat.

Bukod sa mga relief assistance, iniutos din ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang patuloy na pagbabantay sa mga locally stranded individuals (LSIs) sa mga pantalan.

Muling pinaalalahanan ni Asst. Secretary Dumlao ang publiko na manatiling maingat at makinig sa mga abiso ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang anumang aksidente o sakuna.