Nakahanda na ang Disaster Response Command Center (DRCC) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga posibleng bagyo na pumasok sa bansa. Naka-‘blue alert’ na ang ahensya para sa binabantayan na pag-usbong ng mga low-pressure area (LPA).
Ayon kay DSWD Asst. Secretary Irene Dumlao, alinsunod sa utos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang Disaster Response Command Center (DRCC) ng kagawaran ay ganap nang naka-activate upang subaybayan at paghandaan ang anumang posibleng epekto ng lagay ng panahon.
Naka-preposition na rin ang halos 3 milyong kahon ng family food packs (FFPs) at mahigit 360,000 non-food items sa iba’t ibang hubs at warehouse sa buong bansa. Kaugnay pa nito, naka-standby na rin ang mga response teams sa iba’t ibang DSWD Field Offices, at nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), NDRRMC, at mga lokal na pamahalaan (LGUs).
Pinaaalalahanan ng ahensya ang publiko na manatiling mapagmatyag at subaybayan ang mga anunsyo mula sa mga lokal na awtoridad.