CAUAYAN CITY – Patay ang isang tricycle driver sa banggaan ng tricycle at passenger van sa Municipal Road na nasasakupan ng Brgy. Buneg, Echague, Isabela.

Ang namatay na biktima ay si Nomer Marcos 44 anyos, may asawa, ang tsuper ng Honda TMX 155 na may plakang ZX8058 at residente ng Brgy. Buneg habang ang isa pang sangkot ay ang passenger an at may plakang VFK204 na minaneho ni Regie Francisco, 33 anyos, may asawa, residente ng Maligaya, Echague, Isabela.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Echague Police Station na binabagtas ng van ang lansangan patungong sentro ng Echague habang patungo naman sa kasalungat na direksyon ang tricycle.

Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente partikular sa pakurbang bahagi ng lansangan ay nangbanggaan umano ang tricycle at van.

Matapos ang banggaan ay dumiretso umano ang van sa isang konkretong pader habang bumangga naman sa isang kubo sa gilid ng lansangan ang tricycle.

Natanggal umano ang fuel tank ng tricycle sanhi ng pagliyab at pagkasunog ng naturang kubo, ang tricycle at ang tsuper .

Dinala sa Echague District Hospital ang biktima subalit idineklarang ring dead on arrival.