Kinumpirma ngpublic health expert na si Dr. Tony Leachon na hindi na siya magsisilbing adviser ng National Task Force against COVID-19.

Sa isang online post, inanunsyo ni Dr. Leachon na ngayong araw, June 17, epektibo ang pagtatapos ng kanyang termino sa tungkulin.

“It’s with deepest regret that I announce that I am not anymore Special Adviser of National Adviser-COVID 19 effective today.”

Ipinaabot ni Leachon ang pagtanaw ng respeto kay National Task Force chief implementer Sec. Carlito Galvez, na kanyang nakasama sa nakalipas na ilang buwan nang paglaban ng bansa sa COVID-19.

“We will remain as good friends. Lots of good memories. But I have to move on.”

Naniniwala ang doktor na pinag-resign siya matapos kausapin nina Presidential spokesperson Harry Roque at DOH Sec. Francisco Duque si Sec. Galvez.

Tungkol daw ito sa mga online posts niya at ilang personal na pahayag tungkol sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Leachon, hindi niya kayang hindi maging transparent sa publiko. Kaya naniniwala rin daw siya na ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman kay Sec. Duque at DOH ay indikasyon ng totoong sitwasyon.

Nitong Martes nang payuhan ni Leachon si Health Sec. Francisco Duque III na paigtingin pa ang mga ginagawang hakbang, sa gitna ng mga panawagang magbitiw siya sa pwesto.

Ayon sa health expert, dapat pakinggan ni Duque ang hinaing ng publiko at dito humugot ng mga gagawing plano para sa sitwasyon ng estado.

Si Leachon ay dati ring director ng Philippine Health Insurance Corporation.