Nilinaw at mariing itinaggi ni Senator Robin Padilla na walang katotohanan ang mga paratang na tinulungan niyang ilabas nang palihim si Senator Ronald “ Bato” dela Rosa mula sa Senado kasunod ng tensyonadong insidente sa gusali noong nakaraang linggo.
Sa isang panayam, sinabi ni Padilla na normal at maayos silang umalis sa Senado at walang anumang senyales na sila ay umiiwas sa mga awtoridad.
Aniya, imposibleng magkaroon ng senaryo ng pagtakas dahil mahigpit ang presensya ng mga pulis at security personnel sa paligid ng Senado, bukod pa sa mga CCTV cameras sa lugar.
Ibinahagi rin ni Padilla na nanatili siya sa Senado nang ilang araw upang samahan si dela Rosa matapos umanong uminit ang sitwasyon dahil sa usapin ng pagbabago sa liderato at impeachment proceedings. naging mabigat rin aniya ang atmosphere sa loob ng Senado lalo na nang nagkaroon ng insidente ng putukan sa ibabang bahagi ng gusali.
Pagkukwento pa ng senador nakita niyang pangunahing iniisip ni dela Rosa ang seguridad ng mga tao sa loob ng Senado, kabilang ang media at mga empleyado.
Dagdag pa niya, nakipag-usap rin umano si dela Rosa kina Interior Secretary Jonvic Remulla at Philippine National Police (PNP) Chief Jose Melencio Nartatez Jr. nang dumating ang mga ito sa Senado upang tiyakin ang kaayusan sa lugar.
Binigyang-diin din ni Padilla na wala silang nakitang anumang warrant of arrest mula sa mga otoridad, kaya wala umano silang dahilan upang isipin na may operasyong pag-aresto laban kay dela Rosa.
Ipinaliwanag pa niya na sumabay lamang sa kanyang sasakyan si dela Rosa nang siya ay umuwi dahil wala itong sariling sasakyan sa Senado nang gabing iyon at bumaba sa Makati kung saan ito sinundo ng sariling sasakyan at hindi rin umano niya ito tinanong kung saan patungo.
Kasabay nito, kinuwestiyon ni Padilla ang pagtawag kay dela Rosa bilang pugante at sinabing hindi dapat basta-basta ginagamit ang naturang termino nang hindi dumaraan sa tamang proseso.
Sa gitna ng kontrobersiya, nanawagan din siya na huwag hayaang matabunan ng matinding pulitika ang mas mahahalagang usapin tulad ng trabaho, sahod, at paglaban sa korapsyon.
















