Pinapaimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang secret meetings na umano’y nangyayari sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ito ay kasunod ng naunang reklamo ng mga kaanak ng mga missing sabungero na na kinakausap umano ang ilang mga pulis upang ‘ayusin’ ang naturang kaso. Ilan sa mga naturang pulis ay sinibak na rin sa serbisyo.
Sa naging kautusan ng heneral, sisiyasatin ng PNP ang lahat ng anggulong bumabalot sa naturang reklamo, lalo na at anumang kilos ng mga pulis na labas o taliwas sa opisyal na proseso ay paglabag sa mandato ng pulisya.
Maituturing ito aniya bilang bilang pag-aabuso sa tiwalang ibinibigay ng publiko sa institusyon.
Kung babalikan ay unang iniulat ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang umano’y pagkakasangkot ng dalawang pulis sa naturang lihim na pagkikipagpulong.
Ang bagong kautusan para sa imbestigasyon ay hiwalay pa sa nagpapatuloy ang internal investigation na ginagawa ng pulisya at ng hiwalay na imbestigasyon ng NAPOLCOM.
Unang naiulat ang pagkawala ng ilang sabungero mula 2021 hanggang 2022 na ikinukunekta sa mayamang negosyante na si Atong Ang. Si Ang ay nahaharap na ngayon sa patong-patong na kaso dahil dito. (report by Bombo Jai)















