Ibinunyag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang ilang dahilan sa likod ng “coup” o pagpapatalsik kay Senador Vicente Sotto III bilang Senate President, na nagbigay-daan sa pagkakaluklok ni Senador Alan Peter Cayetano.
Inihayag ni Sen. Lacson na isa sa rason ay ang kabiguan umano ni Sotto na “alagaan” ang mga kasamahan niyang senador. Iniugnay ito ni Lacson sa umano’y usapin sa pondo at project allocations.
Dinipensahan naman ni Lacson ang kaniyang kaalyado at sinabing “walang P142 bilyon si Senate President Sotto na pwede niyang ipamigay sa mga kapwa senador.”
Ikinumpara pa si Sotto sa estilo ng pamumuno ng nakaraang lider ng Senado na si Senador Francis “Chiz” Escudero, na tingin ng marami ay mas marunong “mag-alaga” ng mga kasamahang senador.
Kinuwestyon din ni Lacson kung ano ang ibig sabihin ng mga mambabatas sa “pag-alaga” ng kanilang mga kasamahan.
Para umano sa kanila Lacson, ang kahulugan ng salitang “pag-alaga” ay ang pagmamalasakit sa kapakanan ng kanilang mga kasamahan, ngunit hindi para sa materyal na dahilan. Subalit, kung ang kahulugan aniya ng “pag-alaga” ay ang pakainin at i-spoil gamit ang salapi na hindi naman sa kanila kundi pag-aari ng gobyerno, ayon kay Lacson, kung ganito ang kahulugan ng pag-alaga mabuti pang mag-empake na lang silang lahat at umalis.
Inamin din ng senador na may mga narinig siyang akusasyon na nakadagdag ang kaniyang mga nagawa bilang dating Blue Ribbon committe chair sa political tensions sa Senado matapos na makaladkad ang ilang mga mambabatas sa imbestigasyon kaugnay sa flood control anomaly.
May mga nagtatanong umano kung bakit ilan sa kanilang mga kasamahan ang inirekomendang kasuhan. Kung ito aniya ang dahilan, wala na silang magagawa. Ginawa lamang umano niya ang kaniyang trabaho at hindi tinuruan ang mga state witness na sina dating DPWH undersecretary Roberto Bernardoa at dating district engineer Henry Alcantara para idawit ang mga ito.















