BUTUAN CITY – Dismayado ang National Union of Journalists of the Philippines o NUJP sa pagtanggi ng Department of Public Works and Highways (DPWH)–Surigao del Norte 2nd District Engineering Office na magbigay ng paliwanag kaugnay sa hindi pa natapos na konstruksyon ng flood control structure sa Kinabutan River, sakop ng Villa Carito, Purok Kalipayan, Brgy. Washington, Surigao City, kahit na iniulat nang tapos na noong Pebrero 26, 2024.
Ayon kay NUJP-Surigao del Norte chapter chairman Edito Mapayo, ang naturang proyekto ay ginagawa ng Monolithic Construction and Concrete Products Inc. bilang bahagi ng regular na infrastructure project na pinondohan ng mahigit 96.4-million pisos sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) 2024 00-2.
Nang inspeksyunin niya ang lugar, napag-alamang wala itong sheet piles ngunit may PVC pipes na inilagay upang may lulusot umanong hangin sa nasabing istruktura.
Nang lumapit siya sa nasabing tanggapan, pinayuhan pa siyang magsumite ng liham para sa panayam ngunit matapos niyang isumite ang liham, sinabihan na lamang siya ng staff ng district engineer na hindi na sila magbibigay ng interview, na ayon kay Mapayo ay isang malinaw na palusot lamang.