Nilinaw ngayon ng Department of Transportation na walang basehan ang umanoy aabot sa P50 ang pasahe dahil sa PUV modernization program ng gobyerno.
Ayon kay Office of Transprotation Cooperatives chairman Jesus Ferdinand Ortega na walang basehan ang palutang na posibleng umabot sa P50 ang pasahe sa modern jeepney.
Paliwanag ni Ortega, 2017 pa mayroong modern jeepneys at mula noon hanggang ngayon ay dalawang piso lang ang diperensya ng pamasahe dito at sa traditional jeepneys.
Dagdag ni Ortega, pagtaas sa presyo ng langis lang ang madalas na basehan ng taas-pasahe.
Sa panig LTFRB, sinabi ni Atty. Zona Russet Tamayo, Regional Director ng LTFRB-NCR na hindi lang ahensya ang nagdedesisyon sa taas-pasahe.
Mahigpit anya ang koordinasyon nila sa NEDA sa bagay na ito dahil ang transport cost ay may epekto sa inflation kaya maingat na pinag-aaralan ang anumang adjustment.
Sa kasalukuyan, ang minimum na pamasahe ay P13 para sa tradisyonal na jeepney at P15 para sa modernong jeepney.