-- Advertisements --
image 70

Bukas ang Department of Transportation (DOTr) na palawigin pa ang deadline para sa pagbuo ng kooperatiba ng mga jeepney operator na isa sa mga requirement sa implementasyon ng Public Utility Vehicle (PUV) modernization program ng gobyerno kahit lagpas sa itinakdang Disyembre 31 ngayong taon.

Matatandaan na noong araw ng Miyerkules, inanunsiyo ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na sa halip na Hunyo 30, pinalawig pa hangganga Disyembre 31 para mabigyan pa ng sapat na panahon ang mga operator at jeepney driver na bumuo o sumali sa mga kooperatiba.

Ginawa ang nasabing hakbang matapos na ihayag ng ilang transport group ang paglulunsad ng transport strike o tigil-pasada sa loob ng pitong araw simula sa Lunes, Marso 6.

Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na bukas silang makipag-dayalogo sa mga para sa posibleng pagpapalawig para makapag-comply ang mga tsuper at operator ng PUV sa modernization program ng gobyerno.

Inihayag din ng kalihim na nais na makita ang pagsusumikap sa parte ng mga public tranport driver sa pagsuporta sa modernization program.

Una na ring nilinaw na papayagan pa ring pumasada ang mga traditional jeepneys sa kondisyon na sila ay aanib sa kooperatiba o korporasyon.

Hindi aniya ito pareho sa pag-phaseout ng mga tradisyunal na dyip na posibleng ipatupad pa lamang kasabay ng implementasyon ng 10-component modernization plan.