Nakikipag-ugnayan na ang Department of Transportation (DOTr) sa Toll Regulatory Board (TRB) para tukuyin ang mga posibleng hakbang na makatutulong sa pag-agapay sa inaasahang pagkalugi ng kumpanyang may-ari ng Skyway System bunsod ng planong pansamantalang libreng toll fee sa piling bahagi ng Skyway Stage 3 habang isinasagawa ang konstruksyon para sa EDSA Rebuild Project.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), nauunawaan nila na ang pansamantalang pagsasaayos na ito ay maaaring magdulot ng pagkalugi sa operator ng Skyway. Bilang tugon, pinag-aaralan ng ahensya at TRB ang mga option upang mabigyan sila ng kaunting ginhawa, kabilang ang posibilidad ng pagpapalawig ng kanilang concession agreement sa pamahalaan.
Inaasahan ng departamento ang pagkakaroon ng bayanihan kasama ang pribadong sektor, upang kahit papaano ay mapagaan ang pasanin ng mga motorista at pasahero habang patuloy na pinagbubuti ang EDSA para ito ay maging mas ligtas, maayos, at maginhawa para sa lahat.