Matagumpay na nadipensahan ni WBC world bantamweight champion Nonito Donaire Jr. ang kanyang gold-plated strap kasunod nang fourth-round knockout kontra WBC interim bantamweight titleholder Reymart Gaballo ngayong araw ng Linggo (oras sa Pilipinas) sa Dignity Health Sports Park sa California, USA.
Sa unang round pa lang ay nagpakitang gilas na si Gaballo sa pamamagitan nang mga pinakawalan niyang jabs at straights sa katawan at ulo ni Donaire.
Pero tiniis ito ni Donaire, na kalkulado ang mga pinakawalang suntok habang binabasa ang galaw ng kalaban na kapwa Pilipino.
Nagsimulang umiinit si Donaire sa ikalawang round pero hindi rin naman ito kaagad nauwi sa magandang resulta.
Nagpalitan sila ng suntok sa round three at pareho din silang may kanya-kanyang moments.
Pero mas tumindi pa si Donaire pagdating naman ng round four matapos na napaluhod niya si Gaballo nang tamaan niya ito ng left hook sa katawan.
Sinubukan pa ni Gaballo na tumayo pero hindi na niya ito kinaya pa, dahilan para masungkit ng 39-anyos na boksingero ang knockout victory naman nito.