Nagdesisyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na panatilihing nakasara muna ang Dolomite Beach sa Manila Bay.
Ayon sa kagawaran, mananatiling sarado ang white sand area hanggang sa matapos ang rehabilitation project nila sa manila Bay.
Ngayong linggo sisimulan ng DENR ang rollout ng Phase 2 ng Manila Dolomite Beach project.
Inaasahan nilang matapos ang naturang proyekto bago pa man matapos ang kasalukuyang taon.
Oktubre 29 nang isinara ulit ang white sand area ng Manila Bay, ilang araw bago ang Todos Los Santos.
Bago pa man ito isinara ulit sa publiko, dinagsa ng maraming tao ang nasabing lugar mula nang inilagay ang Metro Manila sa ilalim ng Alert Level 3 noong nakaraang buwan.
Ilang mga eksperto ang nagpahayag ng kanilang pagkabahala na ang pagtitipon-tipon ng maraming mga tao sa lugar ay posibleng maging super spreader event.
Maging ang DENR ay nagsabi rin na hindi nila inasahan ang bulto ng tao na pumunta sa Dolomite Beach, bagay na nagpahirap sa kanila para matiyak na nanatili ang pagsunod sa minimum health standards.