Nangako ngayon ang Department of Labor and Employment-7 na puksain ang insidente ng child labor sa bansa pagsapit ng taong 2028 at paiigtingin pa nila ang kanilang monitoring sa child laborers sa mga lalawigan ng Negros Oriental at Siquijor.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Ma. Teresa Tanquiamco, Officer-In-Charge ng Negros Oriental Field Office, sinabi nitong mahalaga ang monitoring upang masubaybayan ang status ng mga bata at para matiyak kung ano ang mga interbensyon ng gobyerno ang kailangang gawin.
Sa lalawigan ng Negros Oriental kung saan laganap ang mga child laborer, sinabi ni Tanquiamco na pinakakaraniwang trabaho ng mga bata ay ang pagsasaka at may ilan din sa quarrying, street vendor, scavenger, at pangingisda.
Nagsagawa naman umano sila ng iba’t ibang adbokasiya at aktibidad upang maimulat ang tungkol sa child labor sa nasabing lalawigan.
Idinagdag pa nito na nakapagtala sila ng 25,659 child laborers sa lalawigan simula noong 2018 kung saan sa nasabing bilang ay may 10,659 na mga magulang ang 4P’s beneficiaries.
Mayroon pa umano silang target ngayong taon na 7,000 profiled child laborers na kailangang i-monitor.
Samantala, batay pa sa ulat ng Philippine Statistics Authority on Working Children Situation para sa 2019 hanggang 2021 na may petsang Marso 3, 2023, ang Central Visayas ang may pangalawang pinakamataas na insidente ng child labor sa 10% o humigit-kumulang 93,500.