Tikom ang bibig ng Department of Justice patungkol sa mga kumento ni Senator Judge Erwin Tulfo sa nakabinbin mga reklamong kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag ng ahensiya na ipinadala ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, aniya’y iiwas munang magbahagi ng kasagutan ang DOJ patungkol dito.
Hindi daw magkukumento ang kagawaran sa mga nabanggit partikular sa nagpapatuloy na pagdinig ng senado sa ‘impeachment’ laban sa ikalawang pangulo.
Ito aniya’y bilang respeto at pagbibigay galang na rin sa ‘impeachment court’ na kasalukuyan nagsasagawa ng paglilitis sa bise presidente ng bansa.
Gayunpaman, kanilang tiniyak na hindi umano ipinagsawalang bahala ng Department of Justice ang mga katanungan ibinabato sa tanggapan.
Ibinahagi ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez na ang reklamong nakabinbin sa kagawaran kontra ikalawang pangulo ay patuloy pa ring isinasailalim sa imbestigasyon.
Nahaharap si Vice President Sara Duterte sa reklamong ‘inciting to sedition’ at ‘grave threats’ na inihain ng National Bureau of Investigation noon pang Pebrero 2025.
Ang inilabas na pahayag ng Department of Justice ay nag-ugat sa pagpuna ni Senator Erwin Tulfo sa hindi pa ring nareresolbang mga kasong nabanggit.
Samantala, sa panayam naman kay Department of Justice Secretary Fredderick Vida kanyang sinabi na same status pa rin ang naturang mga kaso.
Bagama’t lagpas isang taon na ang kaso, wala pang inilalabas na resolusyon ang prosekusyon ng kagawaran.
Si Vice President Sara Duterte ay sinampahan ng reklamong sedisyon at grave threats nang kanyang hayagan sabihin ang pagbabanta umano sa buhay ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr, First Lady Liza Araneta-Marcos at former House of Representatives Speaker Martin Romualdez.















