Ipinauubaya na ng Department of Justice sa Office of the Ombudsman ang mga reklamong ‘malversation’ laban kay Sen. Joel Villanueva.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez na tanod-bayan na ang magdedesisyon kung anong hakbang o aksyon ang kanilang gagawin sa mga reklamo.
Aniya’y ang Ombudsman ang pinal na magsusuri rito upang matukoy kung may sapat na bang dahilan at ebidensya para iakyat o ihain bilang mga kaso sa kaukulang korte.
Aminado siyang hindi Department of Justice ang may hurisdiksyon sa kaso kundi Office of the Ombudsman sapagkat ang sangkot na opisyal ay higit Salary Grade 27.
Paliwanag ng tagapagsalita na sinimulan lamang sa kagawaran ang imbestigasyon nang italaga at i-deputized sila ng tanod-bayan para sa naturang mga reklamo.
“Yung kaso po na ito because they involved an official with salary grade 27 or higher, Ombudsman po talaga may jurisdiction,” ani DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez.
Pagtitiyak naman ni Department of Justice Sec. Fredderick Vida na patuloy ang kanilang koordinasyon sa pagitan ng Office of the Ombudsman.
Makaseseguro aniyang agaran ipinadadala o ita-transmit sa tanod-bayan ang mga reklamo o kasong hawak ng kagawaran may kinalaman sa maanomalyang flood control projects.
Titiyakin raw ng Justice Department na walang mape-pending sa kanilang tanggapan lalo sa oras na mayroon ng resulta sa ikinasang mga imbestigasyon.
“Sa DOJ ang rule namin, of course diba deputized kami ni Ombudsman, wala pong mape-pending sa amin. Pag-ready na po kami with our recommendations, with our findings we transmit it already to the Office of the Ombudsman,” ani DOJ Sec. Fredderick Vida.
Subalit inamin din ng kalihim na ang anumang resolusyon ng DOJ Prosecutors ay hindi awtomatikong iaakyat ng Ombudsman sa korte.
Maari aniya kasing ibasura ng tanod-bayan ito sa hiwalay o sariling pagsusuring isasagawa kasunod ng pag-iimbestiga ng kagawaran.
“Until the Ombudsman approves it or disapproves those findings, hindi pa yan pwedeng isalang sa korte. Kasi pwedeng isalang sa korte pag’ meron findings na may kakasuhan. Kapag ang findings naman is walang kakasuhan dahil walang basehan, ebidensya, o dinis-apruba ng Ombudsman, hindi iyon ipa-file,” dagdag pa ni SOJ Vida.
















