Sasamantalahin ng Department of Health (DOH) ang Labor Day para mapunan ang mga posisyon para sa mga kinakailangang healthcare workers (HCWs) para sa patuloy na pagharap sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni DoH Usec. Maria Rosario Vergeire na nasa 10,568 posisyon ang kanilang binuksan para sa mga HCWs na tutulong sa mga pagamutan at mga COVID-19 facilities.
Aprubado na umano ang pondo nito ng Department of Budget and Management (DBM) ngunit sa kasalukuyan, nasa 8,570 HCWs pa lang ang kanilang naha-hire.
Pangunahing hamon naman ang mga naitatalang kaso ng deadly virus mula sa hanay ng medical workers.
Nitong Abril 26, 2021, umaabot sa 17,377 healthcare frontliners na ang nagpositibo sa COVID-19.
Sa naturang bilang, 17,102 ang nakarekober, 88 ang nasawi at 187 pa ang nananatiling mga aktibong kaso.
Sa mga aktibong kaso, 129 ang mild cases, 25 ang asymptomatic, 14 ang severe condition, walo ang critical condition at 11 ang moderate condition.