-- Advertisements --

Mainit na tinanggap ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) ang pagpapatibay ng Random Manual Audit Committee (RMAC) sa Resolution No. 01, Series of 2026, na nagkokonsidera sa ilang teknikal na rekomendasyon ng watchdog para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Parliamentary Elections (BARMM PE).

Sa resolusyong inilabas noong Setyembre 10, 2026, pormal na tinanggap ng RMAC ang Observation Nos. 1, 2, 3, 4, at 7 ng NAMFREL, habang isinailalim naman sa pagsusuri ang Observation No. 5 upang mapalakas ang integridad, transparency, at verifiability ng manual audit operations.

Inatasan ng RMAC ang Technical Working Group nito (RMA-TWG) at ang Philippine Statistics Authority (PSA) na isama ang mga naturang hakbang sa pagpapatupad ng audit para sa makasaysayang halalan.

Bagama’t hindi inaprubahan ang Observation No. 6 upang mapanatili ang mga umiiral na sampling parameter sa ilalim ng batas at COMELEC resolutions, iginalang ng NAMFREL ang pasya ng komite habang patuloy na isinusulong ang mga pagpapabuti sa saklaw ng audit sa hinaharap.

Bilang accredited citizen’s arm, nananatiling committed ang NAMFREL sa pagsubaybay sa Random Manual Audit upang tiyaking tumpak na mabibilang at mapoprotektahan ang bawat boto sa BARMM elections.