-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na wala pang naitatalang kaso ng bagong COVID-19 variant na NB.1.8.1 o “Nimbus” sa bansa.

Ayon kay DOH spokesperson Asec. Albert Domingo, mababa ang panganib ng naturang variant ayon sa World Health Organization (WHO). Bagaman may sintomas tulad ng sipon, lagnat at sore throat, hindi ito nagdudulot ng matinding karamdaman gaya ng hirap sa paghinga.

Matatandaan na mula Enero 2025, 2,760 kaso lamang ng COVID-19 ang naitala sa bansa kung saan 87% na mas mababa kaysa noong 2024.

Nanatili rin sa ilalim ng 10% ang COVID-19 bed occupancy rate.

Bagama’t wala nang aktibong pagbabakuna, epektibo pa rin ang mga naunang bakuna laban sa Nimbus variant, ayon sa DOH.

Samantala, bumababa naman ng 5% hanggang 6% kada linggo ang mga kaso ng dengue, ngunit nagbabala ang DOH na inaasahang tataas ito ngayong tag-ulan. Umabot na kasi sa 123,000 ang naitalang dengue cases mula Enero ng taong ito na karamihan ay mga bata, edad 5 hanggang 9 ang tinatamaan.