-- Advertisements --

Nadagdagan pa ng higit 3,000 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Kaya naman umakyat pa sa 224,264 ang total ng COVID-19 cases sa bansa.

Nasa 3,483 ang kabuuang bilang ng mga bagong kasong iniulat ng Department of Health (DOH) ngayong araw, at ito ay resulta ng isinumiteng report ng 93 mula sa 110 lisensyadong laboratoryo.

Mula sa nasabing bilang ng mga bagong tinamaan ng sakit, 92% o 3,191 ang nag-positibo sa nakalipas na 14-araw. Pinakamaraming new COVID-19 cases ang naitala sa National Capital Region, Calabarzon at Central Luzon.

Samantala, ang bilang ng active cases o mga nagpapagaling pa ay nasa 62,655.

Ang numero naman ng mga gumaling ay sumirit pa sa 158,012 dahil sa 464 na dagdag recoveries.

Habang 39 ang additional sa total deaths na ngayon ay nasa 3,597 na.

Ayon sa DOH, 38 duplicates ang tinanggal nila mula sa total case count, kung saan 11 ang recoveries.

May tatlong recovered cases din na pinalitan ng tagging matapos matukoy sa validation na sila ay patay na.