-- Advertisements --

Muling sumirit sa higit 3,000 ang dagdag na mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH).

Batay sa case bulletin ng ahensya, nasa 3,714 additional confirmed cases ngayong araw dahil sa ipinadalang report ng 93 mula sa 113 laboratoryo. Dahil dito umaabot na sa 232,072 ang total ng COVID-19 cases sa bansa.

Mula rito nasa 67,786 pa ang nagpapagaling o active cases.

Ayon sa DOH, 88% ng inireport ngayong araw na dagdag COVID-19 cases ang nag-positibo sa nakalipas na dalawang linggo. Pinakamarami ang galing sa NCR, Calabarzon at Western Visayas.

Samantala, nasa 1,088 namang additional recoveries din ang iniulat ng ahensya. Ang kabuuang bilang ng mga gumaling na sa sakit ay 160,549.

Nasa 49 naman ang nadagdag sa total deaths na ngayon ay nasa 3,737 na.

May 40 duplicates na tinanggal ang DOH sa ginawa nilang validation. Ang 12 sa mga ito ay recoveries.