Nangako si Health Sec. Francisco Duque III na kanilang pananagutin ang mga tauhan nilang nangangasiwa sa contact tracing ng mga posibleng nakasalamuha ng mga nagpositibo sa Wuhan coronavirus.

Ayon kay Duque sa panayam ng Senado, maging sila ay napaniwala na nag-insist ng Data Privacy Act ang mga airline companies kaya hindi matapos-tapos ang paghahanap sa mga nakasabay sa eroplano ng dalawang biktima ng novel coronavirus (nCoV).

Pero sa magkahiwalay na pahayag ng Philippine Airlines (PAL) at Cebu Pacific Air (CebuPac), sinabi nilang naibigay na sa mga otoridad ang manifest record noon pang mga nakaraang araw.

Dismayado naman si Sen. Panfilo Lacson sa palpak na koordinasyon ng Department of Health (DOH) at kakulangan ng effort para mabilis na mahanap ang mga posibleng nahawaan ng virus.

Hindi rin sang-ayon ang senador sa paninisi ni Duque sa mga tauhan nito kaugnay sa sablay na contact tracing.

-- Advertisement --

“When the leader falls short of his mission, he does not look for scapegoats. He takes immediate steps and rectifies. Still failing, he simply assumes responsibility. That is leadership,” wika ni Lacson.