Ikinokonsidera ng bagong Department of Health Secretary na si Dr. Ted Herbosa na mag-hire ng mga hindi pa lisensiyadong nursing graduates para magtrabaho sa mga government hospital.
Ito ay upang matugunan ang isyu sa kakulangan ng mga nurse sa bansa dahil sa dumaraming bilang ng healthcare workers na umaalis para magtrabaho sa ibang bansa na may mas mataas na pasahod.
Ayon kay Dr. Herbosa, nakipag-usap ito sa isang opisyal mula sa Professional Regulation Commission (PRC) para makita kung paano mapupunan ang 4,500 bakante sa nursing positions sa gobyerno.
Inihayag nama ng DOH chief na bukas ito para mag-employ ng mga unlicensed nursing graduates na mayroong mga diploma mula sa accredited nursing schools.
Kung papahintulutan aniya na magtrabaho ang mga ito sa gobyerno, ang mga nursing graduates ay maaaring kumita ng starting salary na nasa P35,000 hanggang P40,000 na inaasahang tataas pa kasabay ng pagkakaroon ng experience ng mga ito.
Ayon pasa DOH chief na may ilang mga nurse ang hindi pumasa sa board examination at walang lisensiya kung saan kapag sa gobyerno, hindi maaaring magtrabaho kapag walang lisensiya subalit bukas aniya ito na tanggapin ang mga nursing graduates na mayroong diploma.
Bibigyan aniya ang mga nursing graduate ng certain period na limang taon para pumasa habang nagtratrabaho sa gobyerno.
Bukas din ang DOH chief na mag-invest sa pag-mentor sa mga graduate upang pumasa ang mga ito sa board exam sa loob ng limang taon at makatanggap ng full salary at benefits bilang lisensiyadong nurse.
Kokonsulta naman ang DOH chief sa Professional Regulation Commission kung maaaring maayendahan ang batas upang payagan ang naturang plano.
Una rito, iniulat ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) na nasa 40% hanggang 50% ng nurses sa pribadong mga ospital ang nagbitiw sa nakalipas na dalawang taon dahil sa isyu sa sahod.