Nakahandang makipag-tulungan si Department of Health (DOH) Secretary Jose “Brix” Pujalte Jr. sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y kaduda-dudang suspensiyon ng pagbili ng mga gamot para sa tuberculosis.
Ginawa ng kalihim ang pahayag kasabay ng kaniyang pagtanggi sa mga alegasyon.
Ayon sa kalihim, wala pa man siyang 30 araw sa posisyon subalit nais na aniyang pabilisin ang pag-apruba sa P3 billion na TB procurement nang hindi sumasailalim sa malalimang pagsusuri.
Giit pa niya, malaking halaga at buhay ng tao ang nakataya rito. Dapat aniya ay natuto na sa nangyari noon sa isyu ng Pharmally.
Ang pahayag ng kalihim ay matapos hilingin ng health advocates at health workers sa isang sulat sa Office of the Ombudsman na sibakin si Pujalte kaugnay ng umano’y suspension ng TB drugs at kaugnay na commodities procurement.
Iginiit nila na ang naging aksiyon ng kalihim ay katumbas ng grave misconduct, grave abuse of authority at conduct prejudicial to the best interest of the service, na nagreresulta ng dismissal mula sa public office.
Sinabi rin ng mga ito na ang procurement timelines ay fixed sa ilalim ng batas upang maiwasan ang tiwaling paggamit ng kapangyarihang magpasya. Ang indefinite procurement suspension din aniya na walang legal na batayan ay maituturing na illegal sabotage sa open competitive bidding.
Ayon naman kay Sec. Pujalte, iginagalang niya ang mandato at proseso ng Office of the Ombudsman.
Bagamat ipinaliwanag niya na kung sakali man na inaprubahan niya ito kukuwestyunin naman kung bakit mabilis niya itong nilagdaan. Kayat mas pipiliin umano ni Pujalte na pag-aralan muna ang malaking halaga ng pera, sundin ang proseso, at bumili ng magandang klase ng mga gamot.
















