Nagpaalala ang Department of Health–Cordillera Administrative Region (DOH-CAR) sa publiko na sirain ang mga posibleng pamugaran ng lamok kasabay ng nalalapit na tag-ulan, matapos maitala ang pagtaas ng mga kaso ng dengue at iba pang sakit.
Mula Enero 1 hanggang Mayo 10 ngayong taon, naitala ang 2,171 kaso ng dengue sa rehiyon —28% na mas mataas kumpara sa 1,698 kaso sa kaparehong panahon noong 2024. Limang dengue-related na pagkamatay rin ang iniulat.
Bilang panlaban sa dengue, pinaalalahanan ang publiko na sundin ang 4S strategy na Search and Destroy (sirain ang mga pamugaran ng lamok), Secure self-protection, Seek early consultation, at Support spraying sa mga hotspot area.
Bukod sa dengue, tumaas din ang iba pang sakit sa rehiyon ngayong taon kung saan naitala ang
Measles-rubella na mayroong 89 kaso mula 56 (tumaas ng 59%), Rotavirus na may 94 kaso, Leptospirosis na may 68 kaso mula 36 (tumaas ng 89%), Rabies na mayroong 4 kaso mula 1 at Hand, foot and mouth disease (HFMD) na may 635 kaso mula 236.
Pinaalalahanan ng DOH-CAR ang publiko na siguraduhing ligtas ang iniinom na tubig, hugasan nang mabuti ang prutas at gulay, lutuing mabuti ang mga karneng kinakin at magsagawa ng regular na paghuhugas ng kamay at panatilihin ang kalinisan sa paligid.
Para maiwasan ang leptospirosis, iwasang lumusong sa baha, magsuot ng protective boots at gloves, at agad magpakonsulta kapag may sintomas.