-- Advertisements --

Nagmistulang referee ang Senado sa banggaan kanina ng mga pahayag ng Department of Health (DoH) at Department of Budget and management (DBM), kaugnay sa isyu ng kapos umanong pondo para sa health workers.

Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon, sinabi ni Health Asec. Maylene Beltran na hindi naman sila binibigyan ng sapat na pondo, kahit nag-request na ang kanilang tanggapan.

Pero buwelta ni DBM Usec. Tina Rose Canda, kung kapos ang pondo ng DoH, bakit daw nagbalik pa ito ng bilyong piso na hindi nagamit.

Lumalabas na may P1.6 billion pang sobra noong 2020, na sana ay nai-request para magamit, ngunit pinabayaan ng mga opisyal ng health department.

“Marami pong sobrang pondo, kaya nga ibinalik nila. Noong 2020, nasa P1.6 billion ang hindi nagamit,” wika ni Canda.

Samantala, hindi naman napigilan ni Sec. Francisco Duque III na mapasabing nahihirapan na siya at naguguluhan ang isip dahil sa mga isyu ng pondo sa kaniyang tanggapan.

Kaya pinayuhan muna siya ni Gordon na sumailalim sa psychosocial intervention, dahil talagang mahirap ang trabaho ngayong may pandemya.

“Marami kayong psychiatrist diyan sa DoH. Pagamot ka muna diyan,” pahayag ni Gordon.