-- Advertisements --

Inamin ng Department of Health (DOH) na aabot na sa 50,000-per day ang rated capacity ng higit 60 laboratoryo para sa COVID-19 testing.

Pero ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, sa ngayon naga-average pa lang sa higit 12,000 tests kada araw ang mga lisensyadong laboratoryo.

“On June 21, we were able to test 10,967 samples. But this is slightly below (than) the 7-day average kasi naga-average na kami ng 12,400 per week.”

Naitala raw ang pinakamataas na daily testing output noong June 17 na umabot sa 16,000 sa loob ng isang araw.

“So itong mga ito, ‘pag pinagsama-sama mo, nakakapag-average na kami ng mga 12,000 to 13,000 tests per day actual,” ani Vergeire.

Sa kasalukuyan, may 63 laboratoryo na ang lisensyado ng DOH para sa COVID-19 testing. May 142 pa na nasa Stage 3 pataas ng accreditation.

Ayon sa DOH, pinakahuling nabigyan ng accreditation bilang laboratory facility ang QualiMed Hospital sa Sta. Rosa, Laguna.

Una nang sinabi ng ahensya na isa sa nakaapekto ang operational issues sa mga laboratoryo kaya hindi naaabot ang rated capacity sa testing.