Hindi pa rin daw naglalabas ang World Health Organization (WHO) ng listahan ng mga COVID-19 vaccines na gagamitin sa target ng Solidarity Trial sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nakatakdang makipagpulong ang ahensya ngayong araw sa WHO, at inaasahan na makapagbibigay na ng update ang institusyon ukol sa isasagawang clinical trials.
Magugunitang sinabi ng WHO na sa huling linggo ng Oktubre magsisimula ang Solidarity Trial sa Pilipinas.
“Sa ngayon wala pa rin, although they committed to us a tentative schedule of third or fourth week of October na makakapagbigay sila.”
“Yung huling nabalitaan natin last week, they’re considering three to four vaccines na lang, but we still wait for them to announce officially so that we can have the official list.”
Habang hinihintay ang anunsyo ng organisasyon, nakikipag-usap na raw ang Health department sa mga local government units para maipaliwanag sa komunidad ang mangyayaring eksperimento.
Mahalaga raw kasi ang hakbang na ito para maintindihan ng publiko ang itinatakbo ng isang clinical trial. Tugon na rin ito ng ahensya sa ulat na isang volunteer ng clinical trial ng kompanyang AstraZeneca sa Brazil ang namatay.
“When you do a clinical trial, it is not that everybody would receive the vaccine. May tinatawag tayo na ‘placebo,’ because we are trying (to find out) what would be the effect of something that you inject na wala naman talaga, hindi naman talaga siya yung bakuna. It’s not the vaccine you give, it’s like standard of care.”
“The major and important thing is the messaging, we have to explain it well.”
Isinasapinal na rin daw ang ilang logistical requirements para sa biyahe at storage ng darating na mga bakuna.
“Mayroon na kaming paglalagakan ng mga bakuna. This is not gonna be plenty, kakaunti lang yan kasi ilan lang naman yung mga bakuna na dadating para sa mga areas na mayroon tayo. It is not going to be an issues when it comes to warehousing, distribution because hindi ‘yan ganyan kadami as what we envision to be.”
“Marami ang bakuna kapag nag-procure na tayo.”
CLINICAL TRIALS: AVIGAN
Samantala, inamin ni Usec. Vergeire na posibleng madagdagan ang trial sites ng hiwalay pang clinical trial ng anti-flu drug na Avigan bilang treatment sa COVID-19 patients.
Ayon sa opisyal, tiyak na hindi mababawasan ang target na 100 bilang ng participants, kahit pa posibleng magkasabay sila ng implementasyon ng Solidarity Trial sa bakuna ng WHO.
“Ang kailangan natin ay magkaroon ng re-strategizing. There were experts also together with us (last Friday meeting), ang isa sa lumabas (na recommendation) baka sakaling i-expand yung number ng mga ospital para makakalap ng mas maraming pasyente.”
“Pero isa sa magiging challenge kapag ginawa ‘yan ay i-revise ang protocol at baka magkaroon na naman ng delay. We are not going to that option yet, tinitingnan muna natin ang pagpapaliwanag ng proponents mula dito sa apat na mga ospital.”
Sa ngayon, apat na ospital sa Metro Manila ang napili para magsagawa ng Avigan trials. Nagsimula na rin daw ang recruitment sa mga volunteers ng trial, na siyang gagabayan ng proponent na si Dr. Regina Berba.