Naka-high alert ang Department of Energy (DOE) upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente para sa 2025 national and local sa Mayo 12.
Ayon sa DOE, magsisimula nang mag-operate nang 24/7 ang Energy Task Force Election (ETFE) simula Mayo 11 upang maiwasan ang anumang abala sa suplay ng kuryente bago, habang, at pagkatapos ng halalan.
Layunin ng task force na mapanatili ang integridad ng electoral process sa pamamagitan ng maagap na hakbang at mabilis na tugon sa posibleng power disruptions.
Kabilang sa ETFE ang mga ahensyang may kaugnayan sa enerhiya, mga power generation at distribution companies, at iba pang kinauukulang institusyon.
Sinabi rin ng DOE na activated na ang contingency protocols, natapos na ang nationwide readiness assessments, at may sapat na power reserves para sa panahon ng halalan.
Bukas na rin ang mga command centers sa buong energy sector, kabilang na ang sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), National Electrification Administration (NEA), Manila Electric Company (Meralco), at ang Energy Sector Emergency Operations Center ng DOE. Mananatiling bukas ang mga ito hanggang Mayo 13 at may kakayahang mag-monitor at tumugon agad sa anumang problema sa grid.
Hinimok din ng DOE ang publiko na agad i-report ang anumang insidente o aberya sa kuryente upang mapabilis ang pagtugon at maiwasan ang mas matagal na pagkawala ng serbisyo.