-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na patuloy silang nagsisikap na maibalik ang kuryente para sa mga nasalanta ng Super Typhoon Nando katuwang ang mga pribadong sektor, transmission at distribution utilities.

Ito’y kaugnay sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking may kuryente ang mga pangunahing pasilidad tulad ng ospital, water systems, evacuation centers, at mga residente sa dinaanan ng bagyo.

Agad namang inatasan ng DOE ang mga power plant operator at ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na bilisan ang restoration efforts.

Kung saan apat na renewable energy facilities sa Hilagang Luzon ang naapektuhan. Dalawa sa mga ito ang Cagayan North Solar Power Plant (100 MW) at Caparispisan Wind Power Plant (81 MW) na naibalik na sa grid.

Samantala, nananatiling offline ang Bangui Wind Power Plant (51.9 MW) at Pagudpud Wind Power Plant, bagaman target maibalik ang Bangui ngayong Setyembre 23.

Sa kabuuan, nananatiling sapat ang suplay ng kuryente sa Luzon Grid ayon sa ahensya.

Kaugnay nito naibalik na lahat ng NGCP transmission lines bandang alas-1:05 ng hapon ngayon araw, Setyembre 23 habang patuloy ang pagkukumpuni sa Basco Diesel Power Plant sa Batanes.

Limang diesel plants din sa Batanes, Isabela, Apayao, at Calayan ang naka-standby mode.

Iniulat din ng DOE na 32 electric cooperatives sa 22 lalawigan ang patuloy na mino-monitor kung saan 21 sa normal na operasyon, 8 may partial interruption, habang ang INEC (Ilocos Norte), ABRECO (Abra), at BATANELCO (Batanes) ay nananatiling wala pang kuryente.

Batay sa datos ng ahensya nasa 65.94% ng mga bayan ang muling naibalik na ang kuryente at patuloy ang pag-reconnect sa higit 638,000 consumer connections.