-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) ngayong Sabado, Agosto 1 ang ikatlong tripulanteng Pilipino na nasawi sa gitna ng labanan sa pagitan ng pwersa ng Russia at Ukraine sa Black Sea.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, kabuuang 236 Pilipino mula sa 17 barko ang apektado ng sigalot sa northern Black Sea.

Maliban sa tatlong binawian ng buhay, may 15 pang nasugatan at isang nawawalang tripulante habang nasa ligtas na kalagayan ang 217 iba pa.

Nasa 89 na Pilipino na ang na-repatriate sa Pilipinas kasama ang siyam sa mga nasugatan.

Ang natitirang apektadongg tripulanteng Pilipino ay nasa iba’t ibang bansa sa Ukraine, Romania, Greece at Turkey.

Matatandaang dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang iulat ng DMW na dalawang Pilipinong seafarers ang napatay at 12 iba pa ang nasugatan kasunod ng drone attacks sa Black Sea sa southern Ukraine.

Ang unang nasawi ay noong Hulyo 6 habang ang ikalawang biktima ay nasawi noong Hulyo 19. Hindi naman malinaw sa ngayon kung kailan pumanaw ang ikatlong biktimang Filipino seafarer.

Samantala, tiniyak naman ng DMW chief na nagpapatuloy ang repatriation efforts ng gobyerno sa mga Pilipinong naiipit sa labanan.